News

Buwan ng Wika ginugunita ng DavNor

Nakikiisa ang lalawigan ng Davao del Norte sa buong sambayanang Pilipino sa paggunita ng Buwan ng Wika.

Sa Convocation program na ginanap kahapon, Lunes, Agosto 14, na pinangangasiwaan ng Provincial Engineering Office, binigyang diin ni Gobernador Anthony del Rosario na dapat makilahok ang probinsyal na pamahalaan upang bigyang pansin ang kamalayan hinggil sa wika kaalinsabay sa “pagbabagong minimithi ng kasalukuyang administrasyon.

“Tayo ay makiisa sa pagdiriwang na ito na naglalayong hikayatin ang lahat na makilahok sa mga programa upang maitaas ang kamalayang pangwika at sibiko. Ang ating tema: Filipino Wikang Mapagbago ay napapanahon. . Ito ay dahil ang salitang ‘pagbabago’ ay nagsisilbing sigaw at panawagan ng kasulukuyang administrasyon, . .  . . Kailangan nating makisabay upang hindi mapag-iwanan ng panahon. . . At masasabi natin na sa pamamagitan ng ating wika ay tuluyang magbago ang ating bansa” sabi ng gobernador sa wikang Filipino sa harap ng mga empleyado ng Kapitolyo.

Binanggit ng panauhing pandangal na si Gng Luz Condor, Ulo ng Guro III Departamento ng Filipino ng Tagum City National High School, na dahil sa maraming pagbabago sa lipunan dapat din lang na yayaman ang wikang Filipino alinsabay sa nagaganap  na pagbabago.

“Ang mga pagbabagong ito na nangyari ay patunay na ang wikang Filipino ay buhay. Patuloy na magkakaroon ito ng pagbabago upang makasabay sa mga pagbabagong nagaganap sa ating mundo. . . Ang wikang Filipino ay patuloy na yumayaman dahil na rin sa mga pagbabago sa ating lipunan,” paliwanag ni Gng Condor.

Binabati pa ng panauhing pandangal ang pagpupunyagi ng kasalukuyang administrasyon sa pagpupunyagi nito na makiisa para sa pagbabago.

“Binabati ko po kayong lahat dahil kaisa kayo palagi sa mga programa ng ating pamahalaan. Malaking bagay po ito upang maisulong natin ang iisang wikang nag-uugnay sa lahat ng mga Pilipino mula Batanes hanggang Jolo. . . Ang wika saan man sa mundo ay patuloy na nagbabago at umuunlad kasabay nang pangangailangan ng gumagamit nito. . Kaya patuloy na sumasabay ang wikang pambansa upang mapukaw ang ating kamalayan,” dagdag paliwanag ni Gng. Condor.

Taun-taon, ang buwan ng Agosto ay ginugunita bilang Buwan ng Wika alinsunod sa Proklamasyon Numero 1041 o tinatawag na “Nagpapahayag ng Taunang Pagdiriwang Tuwing Agosto 1-31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa.


 

More Davnor Updates at

DavNor Karon

 

DavNor News