News

Teamwork, susi sa palaging SGLG awardee ng DavNor

Ito ang masinsinang obserbasyon ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) sa palaging Seal of Good Local Governance (SGLG) awardee ng probinsyal na pamahalaan ng Davao del Norte.

Ang SGLG search ay inumpisahan noong 2011 at isa ang Davao del Norte na kinikilala bilang isang awardee nung iginawad ito noong 2012. Sa sumunod na 2014 (walang search at gawad noong 2013), 2015 at 2016, ang DavNor ay palaging kasali sa mga LGUs na binigyan ng parangal.      

“With all the efforts of the different departments, . . ang teamwork sa mga department heads, . . everybody is working para makuha gyod nang SGLG award,” pahayag ni PPDO Department Head Engr. Josie Jean Rabanoz kung saan ang kanilang opisina ang naatasan bilang focal office upang pagsama-samahin ang mga reports ng iba’t-ibang departamento sa Kapitolyo.

Sa taong 2017, ang prinsipyo ng “4+1” ang magiging basehan na dapat pumasa ang isang LGU na kinabibilangan sa “Core area” ng Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection at Peace & Order at isa mula sa “Essential area,” na maaring kinabibilangan ng Business-friendliness and Competitiveness, Environmental Protection o kaya’y Tourism, Culture and Arts.    

Ang teamwork ng iba’t-ibang departamento ay pansin din ni Gobernador Anthony del Rosario na sa ilalim ng kanyang pangangasiwa iniangat pa nito ang layunin nang lahat ng uri ng serbisyo publiko para makatugon sa tunay na pangangailangan ng bawat Dabaonon sa pamamagitan ng BEST PEOPLE development agenda.

“Ito’ng mga ito, mga karaan na sa Kapitolyo. Ako ang bago rito, one year pa lang ako rito. . And this group has been a yearly recipient of the SGLG. . We’re very excited to present what we have here in Davao del Norte and we are confident that you will not be disappointed at hindi ho masasayang ang biyahe nyo dito,” pambungad ni Gobernador Anthony sa team ng national validators sa pandinig ng DavNor Capitol department heads at ng hepe ng DepEd, PNP at iba pang kasaling mga ahensya sa SGLG.       

Teamwork din ang obserbasyon ng SGLG national validators’ team na dumating noong Huwebes, Agosto 17, 2017 na naging madali ang kanilang pagtatasa dahil sa kahandaan ng kakailanganing mga dokumento.

“I’m very happy with the preparation given by the provincial government and the functionaries because this will only happen when there is a concerted effort between the functionaries and the officials. . . Ready gyod ang Davao del Norte,” ayon kay Assessment Team Leader Kenneth S. Kilat na siya ring DILG Provincial Director ng probinsya ng Siquijor sa interbyu ng PTV DavNor.

Dahil sa kooperasyon, positibo si PPDO department head Engr. Rabanoz na ang Davao del Norte ay magiging SGLG awardee 2017 at umaasang ang mga LGUs nang Tagum City, Kapalong, New Corella at Braulio E. Dujali ay makapasa din. Positibo rin si Engr. Rabanoz na makahabol ang Panabo City at Island Garden City of Samal (IGaCoS) na nasa “on-appeal” bago magtapos ang iskedyul ng pagpapatunay para sa taong 2017.


 

More Davnor Updates at

DavNor Karon

 

DavNor News