BIHASA sa wikang Ingles at Cebuano, ngunit pinatutunayan ng pamahalaang probinsyal ng Davao del Norte ang pagpapahalaga at pagmamahal ng wikang Filipino bilang “wika ng karunungan” sa paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto ng taon.

Sa isang pagtitipon kahapon, Lunes, ikawalo ng Agosto, pinangungunahan ni Gobernador Anthony G. del Rosario sa pamamagitan ng pagbigkas ng kanyang buong talumpati gamit ang pambansang wikang Filipino.

“Marami sa ating kapwa Pilipino ang nag-aakala na ang batayan ng pagiging intelihente o magaling ay sa pamamagitan ng husay sa wikang Ingles. Subalit dapat nating tandaan na hindi ito ang tanging sukatan.

Nakasalalay ang kaunlaran ng isang bansa sa tatag ng pambansang wika nito. Napatunayan ito ng mga bansang Japan, Korea at ng mga industriyalisadong bansa sa Asya at Europa. Totoong ang kagalingan ng mga Pilipino sa Ingles ang dahilan ng pangunguna natin sa larangan ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

Subalit kung totoong ang pagiging bihasa sa salitang Ingles ang siyang basehan ng kaunlaran, eh di sana ang ekonomiya natin ang nangunguna ngayon,” paliwanag ni Gob AGR.

Habang ang Ingles ay pandaigdig na wika, hinihikayat na ang wikang Filipino ay bigyang halaga ng bawat Pilipino. Idinagdag pa ng Gobernador na ang kahusayan sa paggamit ng pambansang wika ay upang madaling makamtan ang pagkakaunawaan at pagkakaisa.

“Kaya’t ang mahusay na paggamit nito ay susi tungo sa pambansang pagkakaisa, pagkakaunawaan, kaunlaran at kadakilaan,” dagdag paunawa ng Gobernador.

Noong 1997, sa pamamagitan ng Proklamasyon Numero 1041 ang Linggo ng Wika ay ginawang Buwan ng Wikang Pambansa. Tuwing Agosto ay ginugunita ito bilang pagbibigay pugay sa dating pangulong Manuel L. Quezon na ipinanganak noong Agosto 19, 1878.

Noong Disyembre 30, 2012 ipinahayag ni Presidente Benigno Aquino III kung paano bumalangkas ang teknolohiya ng komunikasyon 75 taon ang nakalilipas. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Presidente Aquino na ipagmalaki ang wikang Filipino bilang kasarinlan at wika ng pagkakaisa.

“Paano hahabiin ang pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba? Paano pag-aalabin ang malasakit sa kapwa’t sa bandila? Nawa’y maging mas masigasig ang ating pakikisagwan sa iisang direksyon upang maging ganap ang potensyal ng ating Wikang Pambansa," ang nailathala na bahagi ng talumpati sa Presidente na kanya ring inamin na isang malaking hamon ang paggamit ng pambansang wika sa kabuohan.

Kahit asiwa dahil hindi ang nakasanayang bigkas pang-araw-araw, ipinahayag ni Gobernador del Rosario ang todo suporta ng lokal na pamahalaan sa paggamit ng Filipino. Hinihimok din ng gobernador ang lahat ng mga kawani at opisyal sa paggamit ng pambansang wika sa kanilang komunikasyon bilang pagtugon ng paggunita.

“Kaya po, ang Probinsyal na Pamahalaan ng Davao del Norte ay taos pusong sumusuporta sa layunin ng pagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Kabilang po dito ang paggamit ng Filipino bilang wika ng komunikasyon, kasama ang mga institusyonal na programa at aktibidad na magsasakatuparan. Nais kong ipaalam sa inyo na ito ay bunga din ng ating layunin na gawing pinakamagaling ang mga mamamayang Dabaonon sa lahat na larangan,” patapos-sabi ni Gob AGR. (Panlalawigang Tanggapan ng Impormasyon ng Davao del Norte)

DavNor News

https://www.high-endrolex.com/26
https://www.high-endrolex.com/26