DavNor nakilahok sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

NAKIKILAHOK ang pamahalaang probinsyal ng Davao del Norte sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa pamamagitan ng kumbokasyon, Lunes, Agosto 13 sa pangunguna ng Tanggapan ng Inhenyirong Panlalawigan.

Ang Agosto ng bawat taon ay ini-obserba bilang buwan ng wika.

“Malugod ko pong binabati ang Tanggapan ng Inhinyerong Panlalawigan sa kanilang huling pag-isponsor sa mahalagang kumbokasyon na ito ngayong umaga, kung saan itinatampok ang pakikilahok ng ating lalawigan sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wika,” pambungad na mensahe ni Gobernador Anthony del Rosario na binasa ni Panlalawigan’g Administrador Samson Sanchez.

Hinikayat din ng gobernador na araw-arawin ang paggamit ng pambansang wika upang mapalaganap ito ng husto.

“Kung isipin nating mabuti, hindi lang dapat isang beses ipamalas ang ating pagkikilala at pagmamahal sa Wikang Pambansa. Tungkulin nating ipakita ang damdaming makabayan sa pamamagitan ng araw-araw na paggamit ng wikang Filipino. Ang Pilipinas ay binubuo ng halos dalawang daang lenggwahe. Kaya lubhang napakahalaga ang Pambansang Wika upang pagbuklorin tayo at magsisilbing simbolo ng ating pagkikilanlan, pagkakaisa, kalayaan, at kaunlaran bilang mga Pilipino,” paghikayat ni Gob AGR. 

Ang pangkalahatang tema sa kasalukuyang taon “Filipino: Wika ng Saliksik,” ay kumikilala sa ating Wikang Pambansa bilang medyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran lalo na sa agham at matematika.

Binigyang diin ni Gng Grace Laguna, na siyang panauhing pandangal sa naturang kombukasyon, na dapat bigyang pagpapahalaga ang pambansang wika.

“Ang buwan ng Agosto ay itinakda upang ipagdiwang ang buwan ng Wikang Pambansa, ang wikang Filipino. Ito’y upang ating mapagnilayan at mapapahalagahan ang wikang ipinaglaban ni Pangulong Manuel L. Quezon. Sapagkat, ayon kay Dr. Jose Rizal, ang wika ay ang pag-iisip ng isang bansa; samakatuwid, ang bayan na walang wika ay bayang walang pag-iisip,” sabi ni Ginang Laguna.  

Kapansin-pansin karamihan sa mga bansang mauunlad ay ang kanilang sariling wika ang gamit gaya ng Hapon, Alemanya, Korea, Tsina, Pransiya, at Malaysia lalo na sa pagsulong ng kanilang teknolohiya, agham at matematika, bagay na binigyang pansin ni Gob AGR na dapat ring gawin sa Pilipinas.

“Mabigat sa loob na nahuhuli ang ating bansa sa larangang ito. Ang mga mauunlad na bansa tulad ng Hapon, Alemanya, Korea, Tsina, Pransiya, Malaysia, Indonesia at iba pa ay sumusulong sa agham gamit ang sariling wika. Kaya bakit hindi natin paunlarin ang ating sariling wika. Sa palagay ko’y hindi ito mahirap abutin sapagkat bukas sa mga talakayan ang pagtanggap ng mga terminolohiyang siyentipiko sa Ingles na walang direktang salin sa Filipino,” muling paghikayat ni Gob del Rosario.

Gaya ng nagdaang taon, hinikayat din ang lahat ng tanggapan sa DavNor Kapitolyo na ugaliing magsalita ng Filipino kahit isang buwan man lang.


 

More Davnor Updates at

DavNor Karon

 

DavNor News